Inanunsiyo ng House of Representatives CongVax na magkakaroon ng panibagong COVID-19, 2nd booster rollout.
Batay sa abiso ng CongVax, ang pagtuturok ng ikalawang booster dose ay magsisimula ngayong araw Huwebes, Aug. 04, sa pamamagitan ng “drive-thru” na sistema na matatagpuan sa North Steel Parking Building sa loob ng Batasan Compound, simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Nasa 350 na doses ng bakuna ang available bukas, kaya first come, first served basis ang paiiralin.
Batay sa CongVax, ang pagtuturok ay para sa mga kongresista, congressional staff, mga kawani ng Kamara at kani-kanilang dependents na pasok sa 2nd booster vaccination.
Kabilang dito ang mga 50-anyos pataas, at mga 18 hanggang 49-anyos na may comorbidities.
Para sa iba pang paalala o gabay ukol sa COVID-19 vaccination, maaaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng CongVax.
Matatandaan na inilunsad ng Kamara ang CongVax program noong nakalipas na 18th Congress, bilang parte ng pagsisikap ng Kapulungan na maproteksyunan ang mga mambabatas at mga kawani laban sa COVID-19.
Samantala, patuloy ang mahigpit na pagpapairal ng health protocols sa Batasan Pambansa, sa gitna ng pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Maliban sa pagbabakuna, mayroon ding regular at libreng antigen test kada linggo, para sa mga mambabatas, empleyado at sa mga miyembro ng media.