LEGAZPI CITY – Dumating na sa Bicol ang 12,000 doses ng initial allocation ng COVID-19 vaccine na gawa ng kumpanyang Sinovac ng China.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang lumapag sa Legazpi City airport ang Philippine Airlines flight na nagdeliver nito, mas maaga sa schedule na alas-10:30.
Kaagad ding ibiniyahe ang mga ito patungong vaccine storage facility ng Department of Health (DOH) Bicol para sa inventory.
Mahigpit ang ipinatupad na seguridad ng PNP, habang smooth-flowing naman ang biyahe kaya’t hindi halos na-traffic ang mga bakuna.
Samantala, bukas inaasahang pasisimulan na ang ceremonial vaccination sa apat na pilot hospitals sa rehiyon kabilang na ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City; Bicol Medical Center (BMC) at Naga Imaging Center Cooperative (NICC) Doctors Hospital sa Naga City; at Bicol Regional General Hospital and Geriatric Medical Center (BRGHGMC) sa Cabusao, Camarines Sur.
Nasa 5,842 frontliners ang nakatakdang masilbihan ng mga bakuna.