-- Advertisements --

ISLAMABAD – Sisimulan na ng Pakistan ang kanilang COVID-19 vaccination drive sa susunod na linggo, kung saan unang babakunahan ang mga health workers.

Nangako ang China na magbibigay sila ng 500,000 doses ng coronavirus vaccine na gawa ng Chinese firm na Sinopharm.

Ayon sa dalawang sources mula sa pamahalaan, sa darating na Sabado ililipad patungong Pakistan ang COVID-19 vaccines.

Sa ngayon, dalawang bakuna na ang naaprubahan ng Pakistan para sa emergency use, isa ang gawa ng China National Pharmaceutical Group (Sinopharm) at ang isa naman ay gawa ng AstraZeneca.

Sinabi ni Health Minister Faisal Sultan na milyun-milyong doses ng bakuna ang posibleng makuha pa ng Pakistan sa ilalim ng kasunduan sa Cansino Biologics Inc ng China.

Nabatid na ang Ad5-nCoV ng Cansino ay malapit nang matapos sa Phase III clinical trials sa Pakistan, at ang preliminary results dito ay posibleng lumabas sa kalagitnaan ng Pebrero. (Reuters)