Agad daw irerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Malacanang ang pagpapasailalim muli sa COVID-19 test ni Pangulong Rodrigo Duterte, sakaling mag-positibo sa sakit si Sec. Francisco Duque III.
Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa press briefing ng Inter-Agency Task Force nitong hapon.
Paliwanag ni Vergeire, maituturing na direct contact si Sec. Duque kung magpo-positibo ito at natukoy na nagkaroon ng exposure sa kanya ang presidente sa nakalipas na mga araw.
“Kapag gumagawa tayo ng contact tracing, mayroon tayong initial contacts or the direct contacts; mayroon tayong second layer contact, third layer contacts, so on and so forth. Si Sec. Duque is a direct contact (pero) wala pa yung (results ng) tests nya. Kung sakali ay magpositibo siya, tsaka natin bibigyan ng abiso ang presidente na magpa-test uli at quarantine.”
Nitong Huwebes nang kumpirmahin ng DOH na naka-home quarantine muna ang kalihim dahil sa exposure nito sa isa pa nilang mataaas na opisyal na nag-positibo sa COVID-19.
“Siya (Duque) ay tinest dahil siya ay kasama sa ating vulnerable population. Siya ay may asthma, may high blood, at siya ay kasama na sa ating elderly population,” ani Vergeire.
Sa ngayon mabuti naman daw ang lagay ng Health secretary at tuloy-tuloy pa rin daw sa kanyang trabaho.
Hinihintay din muna ng kalihim at DOH ang resulta ng kanyang COVID-19 test.