May 22 laboratoryo na sa bansa ang pwedeng humawak ng tests para sa mga probable at suspected cases ng COVID-19.
Ito ang inanunsyo ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Beat COVID-19 situationer na kanilang inilabas nitong Linggo, May 3.
Ayon sa DOH, ang dalawang bagong na-certify bilang COVID-19 testing facility ay ang UP-PGH Medical Research Laboratory at Singapore Diagnostic, Inc. sa Makati City.
Ang mga laboratoryong ito raw ay may kakayahang mag-perform ng Real Time RT-PCR tests para sa COVID-19 kaya ito naaprubahan.
Sa ngayon, patuloy ang proseso sa sertipikasyon ng DOH sa 75 na iba pang laboratoryo sa bansa.
May 77-percent o 58 laboratory facilities na raw ang lagpas sa Stage 3 ng certification.
Kabilang dito ang Asian Hospital & Medical Center sa Muntinlupa, at De La Salle University Medical Center sa Cavite na pareho nang nasa Stage 4.
As of May 2, 2020 may 106,520 indibidwal na raw na sumailalim sa testing. Hindi pa kasali rito ang ulat ng dalawang pribadong laboratoryo.
Mula sa nasabing total, may 11-percent o 11,549 na nag-positibo at 89-percent o 96,869 na negatibo.
“The results of reported laboratory positive individuals are undergoing case information, validation, and processing and may not be reflected on the official summary of the day.”
Sa ngayon nasa 5,264 ang kabuuang testing capacity kada araw ng mga certified laboratory sa bansa.
Una nang sinabi ng DOH na sisikapin pa rin nilang itawid ng hanggang lagpas sa target nilang 8,000 tests per day ang kapasidad sa testing ng mga laboratoryo.