-- Advertisements --
Marikina COVID 19 testing

Itutuloy pa rin daw ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang pagsasagawa ng COVID-19 testing kahit wala itong approval mula sa Department of Health (DOH).

Iginiit ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na mayroon siyang autonomy powers bilang local chief executive na magdesisyon lalo na’t nasa state of public health emergency ang buong bansa.

Handa raw ang alkalde na mademanda para sa kanyang mga kababayan, dahil naniniwala itong mas malaki ang magiging kasalanan niya sa mga residente kung hindi aaksyon ang LGU sa sitwasyon.

Kung maaalala, pinagbawalan muna ng DOH na mag-operate ang testing facility na itinayo ng Marikina dahil hindi umano ito pasok sa biosafety standards.

Nitong Lunes naman naka-schedule sanang bisitahin ng DOH ang bagong pwesto ng testing facility pero bigong dumating ang mga Health personnel.

Ayon kay Mayor Teodoro, sa Biyernes nila nakatakdang simulan ang testing sa lungsod ng Marikina.