-- Advertisements --

Iloilo City- Ibinahagi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) survivor ang kanyang mga naging karanasan sa pakikipaglaban sa nasabing sakit.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Peter Montalban, Covid-19 Survivor at residente ng Westville Subdivision Brgy. Pandac Pavia, Iloilo sinabi nito na mayroong tatlong aspeto ang pakikipaglaban sa virus na kinabibilangan ng pisikal, mental at ispiritwal.

Ayon kay Montalban, sa pisikal na aspeto, nakayanan niya at ng kanyang maybahay ang pakikipaglaban sa sakit dahil sa nakakapagpahinga sila ng maayos kasama na ang pag-inom ng mga gamot at bitamina.

Ani Montalban, sa aspetong spiritwal, malaki ang naitulong ng mga kasamahan nila sa simbahan at iba pang mga kakilala na nag-alay ng panalangin.

Ngunit ang pinakamahirap ayon sa kanya ay ang pakikipaglaban sa mental na aspeto kung saan maraming tao ang nagbitaw ng masasakit na salita sa kanilang mag-asawa matapos mabatid na sila ay nagpositibo sa nasabing virus.

Dagdag pa nito na nakakadagdag ng stress ng mga pasyenteng positibo sa Covid-19 ang mga negatibong salita na ibinabato laban sa kanila.

Nananawagan naman si Montalban sa mga mamamayan na sa halip na kondenahin ang mga covid-positive patients, nararapat na mag-alay nalang ng panalangin upang mabilis ang paggaling ng mga pasyente.