-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pansamantalang isinara sa mga hiker at trekkers ang mga tourist destinations sa tatlong bayan sa Benguet bilang precautionary measure laban sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Kabilang dito ang mga bayan ng Kabayan, Bokod at La Trinidad.

Sa Executive Order No. 25, series of 2020 na pinirmahan ni Kabayan Mayor Faustino Aquisan, nakasaad na temporaryong isasara ang sikat na Mount Pulag kasama na ang lahat ng mga tourism sites doon gaya ng Kabayan Mummies.

Nilinaw naman ni Mount Pulag National Park supervisor Emerita Albas na lahat ng mga resibo ng mga paid reservations ng mga aakyat sana sa Mt. Pulag ay kanilang hahawakan para sa re-scheduling ng pag-akyat ng mga ito sa bundok.

Sinabi naman ni La Trinidad Mayor Romeo Salda na suspendido rin ang malalaking aktibidad ng bayan gaya ng Strawberry Festival 2020 na nakatakdang ipagdiwang sa darating na March 20.

Ito ay sa kabila ng Proclamation No. 921 ni Pangulong Duterte na nagdedeklara bilang special non-working holiday sa La Trinidad, Benguet sa nabanggit na petsa.

Inaasahang namang madaragdagan ang mga bayan sa lalawigan na magkakansela ng mga tourism activities sa lugar ng mga ito.