-- Advertisements --

Mahigit 70,000 katao ang nilikas mula sa kanikanilang mga bahay dahil sa banta ng Bagyong Ambo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark TImbal na mahigpit namang naipatupad ang mga panuntunan na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) para matiyak na hindi magkahawa-hawa ang mga evacuees sa COVID-19 habang lumilikas dahil sa banta ng bagyo.

Ayon kay Timbal, karamihan sa mga evacuees ay nakasuot pa rin ng face mask habang iyong mga government personnel na tumulong sa mga ito ay pawang nakasuot naman ng personal protective equipment (PPE) habang lumilikas.

Hindi rin aniya ginamit ng mga local government units bilang evacuations centers ang mga pasilidad na ginagamit para sa isolation ng mga COVID-19 cases.

Nililimitahan din aniya ang sa dalawa hanggang tato ang bilang ng mga pamilya na pinapayagan sa bawat silid ng mga evacuation centers.

Sa ngayon, iniipon at isinasapinal pa ng NDRRMC ang datos sa danyos at epektong iniwan ng Bagyong Ambo mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.