-- Advertisements --

Inirekomenda sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at sa Department of Health (DOH) ng isang kongresista na i-recalibrate ang kanilang mga hakbang para masolusyunan ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay AAMBIS-OWA party-list Representative Sharon Garin, miyembro ng House Economic Stimulus Cluster, tila hindi wasto ang paghawak ng national government sa kinakaharap na health crisis ng bansa.

Ito ay dahil umakyat na sa mahigit 9,000 kada araw ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 infections.

Sinabi ni Garin na hindi dapat gayahin ngayon ng IATF-EID at ng DOH ang mga hakbang na ginawa noong nakaraang taon, kundi dapat pagbutihin pa ang mga ito dahil ang mga ginagawa sa ngayon ay hindi na responsive sa isa pang surge ng COVID-19 infections.

Kasabay nito ay iginiit ng kongresista ang kahalagahan nang balanseng pagtugon sa issue sa kalusugan ng taumbayan at ekonomiya ng bansa.

Para kay Garin, isa sa mga hakbang na dapat gawin ng pamahalaan sa paglaban kontra COVID-19 pandemic ay magkaroon ng mas maayos na information campaign kontra sa naturang respiratory disease.

Hindi naman aniya dapat na magpatupad sa lahat ng oras ng checkpoints at curfews.

Gayunman, sinabi ni Garin na dapat tiyakin ng pamahalaan na handa ang mga ospital at iba pang medical facilities para sa surge ng infections.

Para masawata ang spike ng COVID-19 infections, ang pamahalaan ay nagdesisyon ulit kamakailan na ilagay ang Metro Manila at ang mga probinsya ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal sa ilalim ng enhanced community quarantine mula Marso 29 hanggang Abril 4.

Ayon kay Garin, aabot sa halos 50 percent ng ekonomiya ang mag-shut down at maapektuhan din ang ekonomiya ng bansa dahil sa ECQ.