Bahagyang tumaas ang 7 day COVID-19 positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa virus mula sa mga nasuring indibidwal sa National Capital Region (NCR) base sa latest data mula sa independent monitoring group na OCTA Research.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang positivity rate sa rehiyon ay tumaas sa 4.4% nitong Abril 1 mula sa 3.2% noong Marso 25.
Sa nakalipas din na dalawang linggo, nananatili ang Metro Manila na may pinakamataas na bilang ng bagong mga kaso.
Sa parehong data, lumalabas na ang positivity rate ay sumipa din sa mga lalawigan ng Batangas, Bulacan, Cavite, Cebu, Iloilo, Laguna, Negros Occidental, Pampanga, Pangasinan at Zamboanga del Sur.
Samantala sa Misamis Oriental nananatiling mataas ang positivity rate matapos na makapagtala ng 27.4% noong nakalipas na linggo.
Habang sa lalawigan naman ng Isabela at Benguet ay umakyat sa moderate level matapos na makapagrehistro ng 6.2% at 5.5% na positivity rate.
Nananatili namang nasa moderate level ang positivity rate sa Camarines Sur, Davao del Sur at South Cotabato.