-- Advertisements --

Isinama na ng Employee’s Compensation Commission (ECC) ang COVID-19 bilang compensable work-related disease.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na napapaloob na ito sa Board Resolution No. 21-04-14.

Dagdag pa nito, ang sinumang manggagawa na nagpositibo sa COVID-19 ay makakatanggap ng P30,000 bilang compensation sa ilalim ng ECC Employee’s Compensation Program.

Paglilinaw naman ni DOLE spokesperson Rolly Francia, ang nasabing halaga ay base sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakasaad din sa resolution na pasok ang isang empleyado sa nasabing kategorya kapag nakuha ang virus sa loob ng trabaho o nadapuan ito habang papasok at pauwi galing sa trabaho.

Dagdag pa ng kalihim, magiging epektibo ang nasabing direktiba matapos ang 15 araw na ito ay nailathala sa mga national papers.