-- Advertisements --

MANILA – Nananatiling pataas ang trend ng COVID-19 cases sa Visayas at Mindanao, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Usec. Abdullan Dumama Jr. na sa nakalipas na dalawang linggo, nananatiling positibo o mataas ang growth rate ng COVID-19 sa tatlong rehiyon ng Visayas at limang rehiyon sa Mindanao.

Sa tala ng DOH regional office, nasa higit 13,000 pa ang active cases sa Visayas. Samantalang higit 14,000 ang bilang ng mga hindi pa rin gumagaling sa COVID sa Mindanao.

Aminado si Dumama na maaaring may kinalaman ang mga variant ng COVID-19 sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa dalawang rehiyon.

“Sa bilis nito maaari tayong magsuspetsa pero wala tayong matibay na katibayan.”

Pero ayon kay Health spokesperson Maria Rosario Vergeire, kailangan maintindihan ng publiko na may epekto rin ang hindi pagsunod sa health protocols at mga naitatalang cluster ng COVID-19 sa workplaces kaya dumadami pa ang nahahawaan ng sakit sa Visayas at Mindanao.

“Kapag may tumataas na kaso sa mga lugar, we need to look to multitude of factors because we know that there are these factors which causes the transmission of the virus.”

Sa ngayon, may 41% pa raw na kapasidad ng kama para sa COVID-19 patients ang mga pampublikong ospital, at 24% sa mga pribadong ospital ng dalawang rehiyon.

Samantalang 26.5% pa lang ng kama sa mga temporary treatment and monitoring facilities ang okupado.

Pagdating naman sa bilang ng healthcare workers, may halos 8,000 na raw na-deploy na augmentation team ang DOH sa Visayas at Mindanao.

Habang nasa 280,000 sets ng PPE na umano ang naipamahagi ng kagawaran. – CJY