Inaasahang bababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa loob ng isa o dalawang linggo kasabay ng pagbagal ng growth rate ayon sa independent research group na OCTA.
Ayon kay Dr. Guido David, OCTA Research fellow na ang growth rate ng COVID-19 sa rehiyon ay nasa 50% habang ang reproductive number o bilang ng mga indibidwal na nahawaan ng isang pasyente ng naturang virus ay nasa 1.5 hanggang 1.6 at ang average daily attack rate (ADAR) sa rehiyon naman ay nasa 3.6 sa kada 100,000 populasyon.
Batay naman sa DOH, ang ADAR threshold ng Metro Manila ay nasa 6 sa kada 100,000 populasyon.
Paliwanag ni Dr. David, bahagyang stable na ang growth rate at hindi na masyadong tumataas ang reproduction number kung kaya’t inaasahan na sa loob ng isa o dalawang linggo ay posibleng bumaba na ang bilang ng mga kaso.
Sa kabilang banda naman, nakakaranas naman ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Pampanga, Benguet at sa ibang parte ng Western Visayas.
Pangunahing dahilan ng pagtaas ng mga kaso sa nasabing mga rehiyon ay ang omicron subvariants na BA.4 at Ba.5 gayundin ang humihinang immunity ng publiko mula sa virus.