Sumampa na sa higit 12,000 ang bilang ng mga healthcare workers sa Pilipinas na tinamaan ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa ulat ng DOH, 391 pa ang nadagdag sa bilang ng medical frontliners na tinamaan ng sakit, kaya naman nasa 12, 412 na ang total ng healthcare workers na na-infect ng sakit.
Mula sa nasabing total, 12, 083 na ang gumaling dahil sa 402 additional recoveries. Samantalang 75 na ang namatay matapos pang madagdagan ng apat. Ang active cases naman o mga nagpapagaling ay nasa 253 pa.
Pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 ang mula sa hanay ng nurses na nasa 4,420. Sinundan ng mga physicians o doktor na may 2,122 cases; nursing assistants sa 947 cases; medical technologists sa 612 cases; at midwives na may 390 cases.
Bukod sa medical workers, may mga infected din sa hanay ng mga non-medical staff ng health facilities tulad ng mga administrative staff, security guards, driver, social workers at iba pa.