-- Advertisements --
image 32

Napatunayan ng Court of Appeals (CA) na may pananagutang administratibo ang isang immigration official at 5 empleyado dahil sa naging papel ng mga ito sa kontrobersiyal na pastillas bribery scam.

Ito ay matapos pagtibayin ng Fifth Division ng appellate court ang desisyon ng Ombudsman noong Marso 21, 2022 para sa grave misconduct and conduct prejudicial to the best interests of the service laban sa mga miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit ng Bureau of Immigration at ibinasura ang petisyon nina Chevy Chase Naniong, Deon Albao, Daniel Binsol, at Fidel Mendoza, na komontrol at namahala sa naturang scheme at mayroong contacts sa mga sangkot na banyaga.

Matatandaan na nabunyag ang tinaguriang Pastillas scam noong 2020 matapos na payagan ng airport immigration officers ang pagpasok ng mga pasaherong Chinese national at iba pang mga banyaga nang hindi dumadaan sa screening ng Bureau of Immigration (BI) kapalit ng suhol na humigit kumulang P10,000 kada pasahero na binalot na parang pastillas.

Sa 28 pahinang desisyon naman na may petsang Hunyo 29 na isinapubliko nito lamang araw ng Lunes, Hulyo 3, binago ang desisyon ng Ombudsman laban sa dating acting chief ng Ports Operations Division (POD) na si Grifton Medina kung saan ipinag-utos na suspendihin ito sa loob ng kalahating taon sa halip na hatulang guilty dahil sa simpleng neglect of duty matapos mapatunayang may pananagutan din ito sa kabiguang aksyunan ang nasabing scam.

Maaalala din na noong Hunyo ng nakalipas na taon, una ng ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsibak sa 45 empleyado ng Bureau of Immigration dahil sa grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa isyu ng Pastillas scam.