Hinimok ni Iloilo Rep. Janette Garin si Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan ang isang mag-asawang sinasabing humaharang sa importation ng COVID-19 testing machines.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Garin na matapos magpatupad ng lockdown sa loob ng mahigit dalawan buwan ay kakaunting Pilipino lamang ang nabigyan nang pagkakataon na sumailalim sa COVID-19 test.
Batid aniya niya na na mahirap isagawa ang mass testing subalit may natuklasan aniya siyang mas malalim na dahilan kung bakit may delay sa usapin na ito.
Ayon kay Garin, hinaharang kasi ng mag-asawang kanyang binansagan bilang “V.E.” ang importation ng COVID-19 testing automated machines na tinatawag bilang Natch CS.
Sinabi ni Garin na ang mag-asawang ito ang nag-facilitate sa importation ng 30 Natch CS automated extractor machines at 40 PCR MA6000 machines sa bansa.
“Lingid po sa ating kaalaman, it is the company’s policy that testing equipment are not to be sold for profit. It is being made available to facilitate testing,” ani Garin.
Matapang pa aniyang nilapitan ng mag-asawang ito ang mga maaring tumulong sa kanila para makuha lamang ang exclusive distributorship sa COVID-19 testing machines.
“Dahil sa ginawa nila, na-delay ang pagpasok ng equipment na sana nitong May 11 para magamit sa laylayan at bayan-bayan,” dagdag pa nito.
Niloko din aniya ng mag-asawang ito ang ilang mga donors matapos palabasin na paparating na ng bansa ang mga equipment na ito.
“Ako na po ang mag-diagnose: Hindi po COVID, kundi COPID ang sakit nina V.E.. COPID as in COrruption in a Pandemic Is a Disaster,” ani Garin.
“Ang kino-COPID nila, di lang pera, kundi buhay ng karaniwang Pilipino,” dagdag pa nito.