Nagbanta si Indonesian President Joko Widodo na magkakaroon ng reshuffle sa Cabinet members matapos nitong madismaya sa “lack of a sense of crisis” ng mga mambabatas dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Widodo, mas pinairal daw kasi ng mga mambabatas ang business as usual attitude imbes na pag-isipan ng maayos kung paano lalabanan ang krisis.

Sa isinagawang Cabinet meeting sa presidential palace, inihayag ni Mr. Joko ang kaniyang pagka-dismara sa mabagal na pamamahagi ng pondo para sa mahihirap, stimulus checks para sa mga negosyong naapektuhan ng pandemic maging ang pera na dapat ay pambili ng medical equipment at special allowances ng mga doktor at nurse.

Ikinagalit din umano nito ang lumabas na report kung saan ginastos lamang ng health ministry ng bansa ang 1.5 percent ng 75 trillion rupiah (P355 billion) na nakalaan sa emergency funds upang labanan ang COVID-19.

“I am keeping open measures, politically as well as government policy-wise. I would take extraordinary measures for the sake of the 267 million Indonesians. I may disband government agencies (that have been shown to be ineffective), do a Cabinet reshuffle. I have considered various measures,” wika ni Widodo.

Dagdag pa nito na ang pondo mula sa economic stimulus package ay kinakailangang mapunta kaagad sa mga negosyo. Binigyang-diin din ng presidente na walang mararating kung tutulungan lamang ng gobyerno ang mga ito sa oras na hindi na nila kakayaning muling makabangon.

“It is very dangerous if we have no sense of crisis. Micro, small, medium, large enterprises, banking and everything that is related to the economy need to be assisted. Manufacturing, labour intensive industries especially need to be prioritized so there won’t be layoffs. Don’t wait until there are big layoffs,” saad nito.

Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Indonesia ng 54,010 infections at 2,754 naman ang namatay.