Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na nakatakdang magkasa ng joint exercises ang air forces ng Pilipinas at Estados Unidos sa darating na buwan ng Abril 2024.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, kasalukuyan nang naghahanda ngayon ang Philippine Air Force para sa gaganaping Cope Thunder Philippines 2024-1 na nakatakdang idaos sa susunod na buwan.
Dito itatampok ang joint and combined sea, air, at ground exercises sa pagitan ng mga hukbong panghimpapawid ng Pilipinas at Amerika.
Aniya, layunin nito na mabigyan ng bilateral fighter training ang Philippine at United States air forces upang mas mapaigting pa ang combined interoperability ng mga ito.
Kung maaalala, noong nakaraang taon ay magkatuwang din na binuhay ng Pilipinas at Estados Unidos ang Cope Thunder joint exercises makalipas ang 33 taon mula noong tong 1991.