KORONADAL CITY – Mas dumami pa ang mga sinasabing coordinators ng iba’t-ibang investment scams ang dumulog sa Philippine National Police (PNP) upang humiling ng proteskyon.
Ito ay kasunod ng mga naitalang kaso ng pagpatay na inuugnay sa milyon-miyong investment scam sa Koronadal City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Pol. Lt. Col Joefel Siason, hepe ng Koronadal City-PNP, tumaas pa ang bilang ng mga coordinators na humihingi ng tulong lalo na sa para kanilang seguridad.
Ayon kay Siason, ilan sa mga ito ay nababahala at natatakot na baka magaya sa biktimang si Bryan Togonon na sinasabing coordinator ng pribadong investment scheme na nag-o-operate sa lungsod na binaril ng riding-in-tandem suspect kasama ang kanyang 5 taong gulang na anak.
Kaugnay nito, panawagan ng PNP na tigilan na ng mga grupo ang panloloko sa publiko at iwasan na ang pagpasok sa anumang uri ng investment scam.