-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kumikilos na ang local health authorities ng Albay para sa contact tracing ng mga nakasalamuha sa event na dinaluhan ng pumanaw na classic pop-rock band Mulatto vocalist na si Joey Bautista.

Una nang kinumpirma ng misis nitong si Belinda Bagatsing sa social media na positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) test ang swab sample ng asawa na kinuha noong Marso 14 subalit binawian na ng buhay dahil sa pneumonia noong Marso 19.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Health Office (PHO) head Dr. Antonio Ludovice, dalawang araw na umano ang isinasagawang dibdibang tracing.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo News Team, opisyal mula sa government agency ang nagdaos ng kaarawan sa convention area sa Legazpi noong Marso 11 kung saan special guest performer ang banda.

Dumating si Joey kasama ang iba pang miyembro ng Mulatto noong Marso 10 at Marso 12 naman ang departure.

Ayon kay Ludovice, inabisuhan nang mag-“home confinement” ang nasa mahigit 200 bisita na karamihan ay empleyado ng kagawaran.

Nakipag-ugnayan na rin sa airline company na sinakyan ng banda patungo at palabas ng lalawigan para sa flight manifesto maging sa mga staff ng hotel and restaurant kung saan tumuloy ang grupo.

Sa kabila nito, nilinaw ng Albay PHO na hihintayin pa rin ang opisyal na kumpirmasyon mula sa Department of Health sa ilan pang hakbang ukol sa isyu.