LEGAZPI CITY – Naglunsad na ng contact tracing ang Albay Provincial Health Office at Department of Health (DOH) matapos na ihayag na apat ang nadagdag sa mga unang kaso ng coronavirus disease sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay PHO head Dr. Antonio Ludovice, sinabi nitong partikular na inaalam ngayon ang mga barangay na pinagmulan ng mga panibagong nagpositibo sa virus.
Sa hiwalay na panayam, nabatid naman kay Mayor Noel Rosal na mula sa Legazpi City ang ikapitong nagpositibo COVID-19 na isang 63-anyos na lalaki, na sampung araw na umanong nasa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Kinumpirma naman ni Daraga Mayor Victor Perete na mula sa nasasakupang bayan ang ika-10 COVID-positive na 43-anyos na lalaki at bumiyahe mula sa Metro Manila na ngayo’y nasa pagamutan na rin.
Tinutukoy pa ang lugar ng dalawa pang nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan.
Samantala dakong alas-9:00 ngayong araw, pormal nang aalisin ang ipinatupad na lockdown sa Brgy. Ilawod West at Brgy. Bagumbayan sa Legazpi habang bubuksan na rin ang Ibalong Cetrum for Recreation (ICR) na magsisilbing quarantine area ng mga Persons Under Investigation (PUI) na may mild symptoms.
Sa ngayon, pumapalo na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga COVID-positive cases sa buong Bicol.