Muling bubuhayin at isasaayos ng Department of Defense (DND) ang Mutual Consultation Board para talakayin ang pag-terminate o pagtigil ng proyekto kaugnay sa P12.7 billion helicopter deal ng Pilipinas sa Russia.
Sa isang statement, sinabi ng DND na nakipag-ugnayan na sila sa Sovtechnoexport ng Russia hinggil sa terminasyon ng naturang proyekto alinsunod sa procedures sa ilalim ng Government Procurement Reform Act.
Ayon din sa DND maglalabas sila ng updates sa Russian Embassy hinggil sa naturang usapin.
Una rito, inihayag ni Russian Federation Ambassador Marat Pavlov na dapat igalang ng gobyerno ng Pilipinas ang kontrata nito sa Russia na kinansela ng nagdaang administrasyon dahil sa pangamba sa posibleng ipataw na sanctions ng Amerika.
Giniit din ng DND na ang naturang proyekto ay isang maliit na bahagi at hindi ng kabuuan ng bilateral relations ng Russia sa Pilipinas.
Kayat umaasa pa rin ang ahensiya na ang termination ng chopper deal sa Russia ay mapagpasiyahan sa maayos na paraan.
Magugunita na kinansela ng DND noong Agosto ang procurement o pagbili ng 16 na Mi-17 helicopters na nagkakahalaga ng P12.797 billion mula sa Moscow dahil sa pagpapalit ng priorities bunsod ng global political developments.
Subalit nakapagbigay na ng downpayment na P1.9 billion para sa kontrata kayat tinatrabaho ngayon ng DND ang pag-refund ng naturang halaga.