DAVAO CITY – Sa gitna ng umano’y diskriminasyon na natatanggap ng ilang Chinese nationals dahil sa isyu ng 2019 Wuhan coronavirus, nag-alok ngayon ng tulong ang consulate general ng China sa Davao medical community lalo na kung pag-uusapan ang language barrier sa mga chinese-speaking na mga pasyente na naka-admit sa mga lokal na ospital.
Tiniyak ni Consul-General Li Lin, na nakahanda ang kanilang opisina na tumulong sa mga pasyente na Chinese na madadala sa mga hospital lalo na ngayon na isa ang Pilipinas sa maraming bansa na nagsusumikap sa pagmonitor at pagpigil sa pagkalat ng 2019 novel coronavirus o 2019 nCoV.
Sinabi ni Li Lin na ang mga lokal na hospital sa lungsod ay maaaring makipag-ugnayan sa mga Chinese community sa Davao kung kailangan nito ng interpreter para sa mga pasyente na Chinese.
Una nang napag-alaman mula sa City Health Office na may walong mga Chinese nationals ang mino-monitor ngayon dahil sa nCoV.
Ngunit nilinaw ng ahensiya na hindi pa apektado ang lungsod ng naturang virus na nagmula sa bansang China.