CAUAYAN CITY- Namatay ang isang lalaki matapos barilin ng isang security guard, sa videoke bar sa Brgy. Dubinan East, Santiago City.
Ang nasawi ay si Mark Anthony Reyes, 29 anyos, construction worker at residente ng Purok Uno, Brgy. Rosario, Santiago City.
Habang ang pinaghihinalaan ay si Carlos Mora, 30 anyos , security guard, at residente ng Barangay Annafunan West, Tuguegarao City sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Jeffrey Viloria, Deputy Chief of Police ng Santiago City Police Office Station 2, sinabi niyang nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned Citizen ukol sa isang pamamaril at nang kanila itong tinugunan at dito na nila nakita ang duguang biktima na may tama ng bala sa ulo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkaroon umano ng komprontasyon ang pinaghihinalaan at ang biktima na siya ngayong sinisiyasat na dahilan nang pamamaril gamit ang 9mm pistol.
Ang biktima ay binaril sa likuran ng kanyang ulo, at sinubukan pa siyang iligtas ng mga kasapi ng Santiago City Rescue Team subalit binawian na siya ng buhay.
Agad namang tumakas sa pinangyarihan ng insidente ang pinaghihinalaan ngunit kalaunan ay inaresto siya sa inuupahan nitong bahay sa Brgy. Dubinan East, Santiago City
Posibleng nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang pinaghihinalaan nang mangyari ang pamamaril .
Mahaharap sa kasong homicide ang pinaghihinalaan.
Patuloy ang panawagan ng pulisya sa publiko na manatili sa bahay kapag nakainom, upang hindi na makagawa ng labag sa batas.