LEGAZPI CITY- Mahaharap sa patong-patong na kaso ang isang construction worker na hinuli sa checkpoint sa Maharlika Highway ng Pangpang, West District, Sorsogon City.

Kinilala ang suspek na si Hermogenes Agullana, 40-anyos, residente ng Brgy. Paciano, Calamba City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi News Team, naglatag ng checkpoint sa lugar ang tropa ng PNP Highway Patrol Group nang parahin ang suspek na lulan ng motorsiklo sa beripikasyon.

Ibang tao umano ang nakalagay sa iprinesenta nitong lisensya kaya nagduda ang mga otoridad.

Pinababa rin ng motorsiklo ang suspek.

-- Advertisement --

Habang naghahanap ng dokumento sa bag nito, nahulog ang isang hand gun grip sa kalsada habang nasilip pa ng pulis ang dulo ng isang baril sa bag ni Agullana.

Nang sipatin ang laman, natukoy na may bitbit itong caliber .45 pistol na may magazine at pitong bala.

Maliban pa rito, na-recover rin ang magazine na may 10 bala, maikling magazine na may apat na bala, isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at iba pang drug paraphernalia.

Isinailalim na rin ang suspek sa karampatang disposisyon.