CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang construction foreman sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Henry Dorig,50 anyos sugatan naman ang kanyang asawa na si Venus Dorig at anak na si Mikaela Dorig, mga residente ng Barangay Poblacion Pikit North Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villa na lulan ang mga biktima sa Toyota Avanza na may plakang LGA-469 sa national highway ng Barangay Poblacion Pikit Cotabato sa harap ng Municipal plaza pauwi na ng kanilang tahanan mula sa palengke ng bigla silang dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng walang plakang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit.

Naisugod ang mga biktima ng mga nagrespondeng pulis sa Cruzado Medical Hospital ngunit binawian ng buhay ang foreman nang magtamo ito ng apat na tama ng bala sa kanyang katawan.

-- Advertisement --

Ligtas naman ang mag-ina na inilipat sa isang pagamutan sa Kidapawan City.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.