-- Advertisements --

Bumaba sa 348% ang congestion rate sa mga piitan sa bansa mula Enero hanggang Oktubre ng nakalipas na taon kumpara sa 367% noong 2022 base sa report ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ang pagbaba sa congestion o siksikan sa mga bilangguan ay maiuugnay sa patuloy na pagpapatupad ng paralegal programs kabilang dito ang Good Conduct Time Allowance (GCTA), Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring (TASTM) at Special Time Allowance for Loyalty (STAL).

Aabot sa 77,467 person deprived of liberty ang ginawaran ng time allowance habang nasa 18,865 ang naging kwalipikado para sa Para sa Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring kung saan 15 araw kada buwan ang nababawas sa pananatili sa kulungan ng mga kwalipikadong preso na naglaan ng 60 oras para sa naturang programa.

Sa ilalim naman ng GCTA, 20 hanggang 30 araw kada buwan ang nababawas mula sa posibleng maximum imprisonment base sa haba ng pagkakabilanggo.

Sa Special Time Allowance for Loyalty naman, 1/5 o 2/5 ng panahon ng pagkakakulong ng PDLs na hindi tumakas kahit na mayroon silang pagkakataon sa panahon ng kalamidad.

Samantala, maliban sa bumabang congestion rate, iniulat din ng BJMP mahigit 70% ng mga piitan ang idineklarang drug free at drug cleared ng regional oversight committees. (With reports from Bombo Everly Rico)