-- Advertisements --

Humingi ng tulong ngayon si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa isyu ng aniya’y hindi makatwirang pagbawi ng lisensya ng baril ng Philippine National Police-Firearms and Explosive Office (PNP-FEO).

Magugunita na binawian ng lisensya ng baril ng PNP-FEO si Teves matapos na matuklasang kwestiyonable ang mga dokumentong isinumite nito sa pagkuha ng License to Own and Possess Firearms.

Sa kanyang privilege speech ngayong Lunes, binasa ni Teves ang kanyang “open letter” para sa presidente, kung saan kanyang binatikos ang paglalabas ng PNP-FEO ng press release, na nagsabing “spurious” ang kanyang mga doumento.

Aniya, kung huwad ang mga dokumento niya, bakit siya binigyang ng lisensya at bakit umano siya nakabili ng mga baril mula sa lehitimong supplier.

Napag-alaman din umano niya na ang dokumento na “uploaded” ng National Police Clearance ay hindi sa kanya, kundi sa kanyang anak.

Sa kasagsagan naman ng kanyang talumpati, makailang beses na umapela si Teves na maibalik ang lisensya ng mga armas niya dahil “wala umano siyang ginawang masama.”

Aniya pa, dapat na magkaroon ng isang “motu proprio investigation” dahil marami umanong nangyari na katulad ng kanyang naranasan. At ito ay patunay daw ng kahinaan ng sistema ng PNP sa pagpaparehistro ng baril.

Sa kabilang dako, naglabas naman ng pahayag ng PNP na hindi nila ginigipit ang mambabatas.