-- Advertisements --

Kasabay ng biglang pagtaas sa bilang ng mga gumaling sa COVID-19 sa bansa, ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang batayan sa pagpapauwi ng mga recovered patients mula sa infection ng coronavirus.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaari nang pauwiin galing ospital ang mga “suspected” case kung magne-negatibo sila sa COVID-19 testing.

Indikasyon din daw na pwede na i-discharge sa pagamutan ang isang suspected case kung bumuti ang lagay nito, gaya ng pagkawala ng ubo at iba pang sintomas.

Pati yung mga makikitaan na wala nang ibang indikasyon para manatili sa ospital o health facility, gayundin na kapag iba ang uri ng sakit ang dahilan kung bakit ito na-admit sa ospital.

Para naman sa mga “confirmed” cases, maaari lang umuwi ang isang pasyente na may ganitong klasipikasyon kung gumanda na rin ang kanilang lagay at nawala o hindi kaya’y gumaling na ang sintomas nito sa COVID-19.

Pwede na ring umuwi ang isang confirmed patient kung nag-negative siya sa testing gamit ang RT-PCR kits.

“Kung hindi posible na ulitin ang test, maaaring i-discharge ang pasyente depende sa healthcare workers na nangangasiwa sa kanya,” ani Usec. Vergeire.

“Kailangan sumailalim pa rin lahat ng uuwi na COVID-19 na positive na pasyente sa 14-araw na home quarantine. Ito ay isang kasiguraduhan para hindi makahawa kung saka-sakali na pag-uwi niya ay magkaroon pa ulit ng positive na test kapag tinest siya.”

“Kinakailangan na gawin ang test pagkatapos ng 14 na araw. Kahit tayo ay positibo, probable o suspect case lamang na na-discharge na, kinakailangan pa rin mag-self quarantine ng 14 na araw, imo-monitor ng dalawang linggo bago masabi na wala na talagang COVID-19 sa kanilang sistema.”