-- Advertisements --
image 518

Nabunyag sa plenary deliberations sa Kamara na hindi nagagamit ng Department of Finance ang kanilang confidential funds.

Sa budget debate para sa 2024 General Appropriations Bill o GAB inungkat ni ACT Teachers PL Rep. France Castro ang confidential funds ng DOF sa pamumuno ni Sec. Benjamin Diokno.

Ayon kay Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, ang sponsor ng budget ng DOF may P1 million na confidential funds kada taon.

Pero ayon sa DOF, hindi ito nagagamit sa loob ng maraming taon.

Tanong ni Castro, bakit pa humihiling ng confidential funds kung hindi naman nagagamit mula noong 2016.

Depensa ni Suansing, ang naturang pondo ay nagsisilbing “stand-by funds” ng Office of the Secretary of Finance, sakaling kailanganin na i-augment para sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue o BIR.

Dagdag ni Suansing, sinasauli naman sa Bureau of Treasury ang hindi nagagamit na confidential funds.

Ipinunto ni Castro, bakit hindi na lamang gamitin ang confidential funds dahil sayang ito at maaaring magamit sa ilang social services o sa ilang pagkakagastusan.

Tugon ni Suansing, batay sa DOF ay hindi na raw nila kailangan ang P1 million na confidential funds, at baka sa 2024 National Budget ay gustuhin ni Sec. Diokno na tanggalin na ito.

Pwede rin aniyang pandagdag ang pondo sa BIR na humihingi ng supplemental budget para sa intelligence fund, upang epektibong mahabol ang tax evaders.