-- Advertisements --

Umapela si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa mga economic managers ng pamahalaan na huwag buwisan ang mga maliliit na online sellers.

Ito ay para mabigyan naman aniya ng pagkakataon ang mga negosyanteng ito, kahit ngayong taon lamang, para makapagpundar at matingnan ang kanilang viability sa pagnenegosyo.

Ngayong mayroon kasing pandemya ay marami ang sumubok na magnegosyo matapos na mawalan ng trabaho o pagkakakitaan dahil sa ilang buwang lockdown.

“So this year, let’s give them a chance because many of them are still trying to define kung may market ba sila,  kasi it’s not enough that they sell their products … dapat makita rin nila na maganda ang business nila at itutuloy nila, kung hindi papara muna sila,” ani Conepcion.

Una rito, nagpahayag ng kanyang pagtutol at pagkabahala si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda sa planong buwisan ang mga online sellers.

Iginiit ni Salceda na ang pagpataw ng buwis sa barter trade ay “not worth the enforcement effort,” lalo pa aniya at hindi pa nakakabangon ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ito ay pahayag naman ni Salceda matapos na dumami at lumakas ang online trading, dahilan kung bakit nagpaalala si DTI Sec. Ramon Lopez sa publiko na iligal at paglabag sa tax laws ang aktibidad na ito.