Kung ang World Health Organization daw ang tatanungin, dapat ikonsidera ng mga bansa ang level ng community transmission ng COVID-19 bago nila buksan ang klase sa mga eskwelahan.
Aminado si Dr. Tamano Matsui ng WHO Western Pacific na mahalaga ang social interaction at psychosocial development sa mga bata, pero hindi maaaring isantabi ang kanilang kaligtasan para rito.
Batid din ng opisyal na malaking hamon hindi lang sa public health, kundi pati sa sektor ng edukasyon ang pandemic.
“We know that children need to go to school to have social interactions, and it’s important for their psychosocial development. It is also the essential element of a functioning society,” ani Matsui sa isang press conference.
Para sa WHO official, dapat magkaroon ng transmission assessment ang mga opisyal para malaman kung gaano na kalawak ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang mga lugar.
Habang ginagawa ito, mahalaga umano na may maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga guro, estudyante at school officials para maiwasan din ang pagkalat ng sakit sa komunidad.
Bukod dito, makakabuti rin umano kung gagamitin ng mga opisyal ang eskwelahan para sa pagpapalawig ng paliwanag sa sakit.
Kamakailan nang iurong ng Department of Education ng Pilipinas ang pagbubukas ng klase sa October 5 mula sa dapat sanang schedule nito sa August 24.