Asahan daw na madadagdagan pa ang bilang ng Community Learning Hub na itinayo ng Office of the Vice President, ayon sa tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, layunin ng itinayong pasilidad na mabigyan ng alternative learning space ang mga estudyante na walang access sa ibang mga kailangang gamit sa klase.
Kabilang sa nilalaman ng learning hubs ng OVP ang mga gadgets tulad ng computer, photocopy machines, at printers. Mayroon ding trained volunteer tutors at schedulers na magbibigay assist sa mga mag-aaral.
“Sa bawat hakbang ng ating Tanggapan sa paglulunsad ng programang ito, atin itong ipinaaalam sa pamunuan ng Department of Education (DepEd). At para panatilihin ang kaligtasan ng mga learners at tutors, sinisiguro ang striktong pagpapatupad ng safety protocols sa mga learning hubs,” ani Gutierrez.
Mula noong Lunes, October 18, nagsimula na ring mag-operate ang 13 pilot learning hubs sa pitong lugar sa bansa.
Matatagpuan ito sa mga lungsod ng Pasig at Caloocan sa Metro Manila; Taytay, Rizal; Himamaylan, Negros Occidental; San Jose, Camarines Sur; Balete, Aklan; Lucena, Quezon; at Tabaco City, Albay.
“Bukod sa mga ito, mayroon pa tayong nakaabang na mga expansion sites para sa pagpapatayo ng mas marami pang Community Learning Hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.”
“Walking distance lamang ang mga ito sa tahanan ng mga mag-aaral. Hindi rin sila required na pumunta sa mga hubs araw-araw; bibisita lamang ang mga learners tuwing kailangan nila ng gabay sa paggawa ng kanilang mga worksheets.”
Isa ang Community Learning Hub sa mga programa sa ilalim ng BAYANIHAN e-SKWELA initiative ng OVP at partners sa private sector.
Layunin ng inisyatibo na mamahagi ng tulong sa mga estudyante, at gabay sa mga guro at magulang kasabay ng pagbubukas ng klase sa ilalim ng new normal dulot ng COVID-19 pandemic.
“Tulad ng iba pa nating inisyatiba, nabuo ang proyektong ito dahil sa dalawang bagay—una, para tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan, at pangalawa, bilang mga Pilipino, ang first impulse natin sa panahon ng krisis ay ang tulungan ang isa’t isa.”
“At lahat ng ito, hindi maisakatutuparan kundi dahil sa tulong ng mga mamamayang kaisa natin sa adhikaing pahalagahan ang edukasyon sa gitna ng krisis.”
Nitong Martes nang pangunahan ni Robredo ang pagbubukas ng Community Learning Hub sa Brgy. Sta Ana, Taytay, Rizal. Noong Lunes naman, naging abala rin ang bise presidente sa pagbubukas ng pasilidad sa Pasig City.
“Sa Pasig City, katuwang natin si Mayor Vico Sotto at mga kawani ng Pasig City LGU at ng Barangay Pinagbuhatan; JCI Manila; Ligaya ng Panginoon-Youth; at PLDT Enterprise, sa pagpapatayo ng learning hub sa Eusebio Bliss 2 Multipurpose Hall, Caliwag Street,” ani Gutierrez.