Nanindigan ngayon ang Department of Justice (DoJ) na ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang responsable sa pagkamatay ng siyam na taong gulang na bata sa bakbakan ng puwersa ng pamahaal at ang rebeldeng grupo sa Taysan, Batangas.
Una nang iginiit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na ang tropa ng pamahalaan ang may kasalanan sa pagkamatay ng bata.
Sinabi ni DoJ spokesman Mico Clavano na malinaw daw sa mga available evidence na ang mga armadong komunistang rebelde ang umatake sa military unit sa Sitio Amatong, Barangay Ginhawa, Taysan, Batangas na ang mga rebelde ang naging dahilan ng pagkamatay ng bata.
Ito daw ang dahilan kung bakit sila magsasampa ng kaso laban sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Gayunman, puwede naman umanong sa korte na lamang magpaliwanag ang rebeldeng grupo at dito iprisinta ang kanilang supporting evidence para patunayan na totoo ang kanilang mga sinasabi.
Una rito, sinabi ng Department of Justice na inaprubahan na ng prosecutors ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa apat na communist rebels na sangkot sa pag-atake sa Philippine Army Patrol Base San Marcelino, Delta Company, 59th Infantry Battalion sa Batangas province noong July 18, 2022 na nagresulta sa pagkamatay ng menor de edad.
Sa resolusyon ng Department of Justice, inaprubahan ng mga prosecutor ang murder charges dahil sa paglabag sa Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020) laban kina Isagani Isita, Junalice Arante-Isita, Mariano Bico, Gilbert Orr at isang alyas Ching.
Ang apat ay mga miyembro ng Sub-Regional Military Area-4C (SRMA-4C), Southern Tagaog Regional Party Committee (STRPC) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Ang mga rebeldeng armado ng shotguns, rifles at improvised firearms ay inatake ang mga tropa ng gobyerno na nagresulta rin sa pagkasugat ng isang sundalo.