-- Advertisements --

Nilinaw ng isang opisyal mula sa European Union (EU) na hindi pinopondohan ng kanilang hanay ang rebeldeng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ito’y kasunod ng paratang mula sa Malacanang na naglalaan umano ng pondo ang EU sa mga komunistang grupo.

Sa isang panayam sinabi ni EU Ambassador Franz Jessen, naging maingat sa matagal na panahon ang mga bansa sa Europa para hindi maugnay sa mga komunista.

Aminado ang opisyal na maraming grupo ang lumalapit sa kanila para sa funding, pero tiyak umano na hindi nila sinusuportahan ang mga itinuturing na rebelde.

Kung maalala, sinabi ni Communications Usec. Lorraine Badoy na ilang non-government organizations na may ugnayan sa CPP ang pinopondohan umano ng EU.

Sinabi rin ni Civil Military Operations deputy chief Brig. Gen. Antonio Parlade na nahinto ang EU sa pagbibigay pondo sa naturang mga NGO matapos mabatid na may koneksyon ang mga ito sa rebel groups.