Pinawi ng Commission on Elections (Comelec) ang pangamba ng publiko na ang election technology system ng Smartmatic ay maaring makapagkompromiso sa resulta ng halalan sa darating na Mayo 9, 2022.
Sa isang panayam, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang relasyon ng poll body sa Smartmatic, lalo ng ng kanilang system, ay bilang supplier lamang.
Nagbibigay lamang sila ng makinang gagamitin sa halalan pero hindi ibig-sabihin nito na sila na rin ang nagpapatakbo ng halalan sa bansa.
Paglilinaw ito ni Jimenez matapos na sabihin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na nakompromiso ang system ng Smartmatic.
Bagama’t naniniwala ang CICC na wala naman nangyaring hacking sa servers ng poll body, sinabi ng executive director nito na si Cezar Mancao II na nakitaan nila nang indikasyon na ang system ng Smartmatic ay na-breach.
Magugunita na ang Smartmatic ang nakakuha ng P402-million contract para magbigay ng software na gagamitin para sa May 2022 automated elections.
Para matiyak naman na hindi na maulit ang kahalintulad na panyayari para sa nalalapit na halalan, sinabi ni Jimenez na nakikipag-ugnayan sila sa Smartmatic, katuwang ang iba pang law-enforcement agencies ng pamahalaan, para matukoy ang source nang problema.