-- Advertisements --

Sisimulan na ang Commission on Elections (Comelec) ang paghahanda sa buwan ng Hunyo para sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre 5 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Commissioner George Erwin Garcia, patuloy ang kanilang paghahanda ng mga gagamiting materyales para sa barangay at SK elections na isasagawa manually. Sa katunayan, nakatakdang simulan muli ang pagtanggap ng voter registration sa buwan ng Hulyo.

Ito ay sa kabila pa ng ilang pag-uusap hinggil sa pagpapaliban ng naturang election.

Sa ngayon ay hindi aniya ikinokonsidera ito ng poll body dahil wala pang batas na nalagdaan na nagpapaliban sa barangay at Sk elections.

Subalit sakali man na ipagpaliban ang halalan sa barangay at SK, hindi aniya magkakaroon ng problema dahil makakatulong din aniya ito para makatipid ang gobyerno ng nasa P8.6 billion na nakalaan para sa SK at barangay elections.

Ibinahagi naman ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas na nakikipagpulong na rin ang poll body sa mga regional directors hinggil sa kanilang kahandaam sa mga gagamiting voter’s registration machine at sa mga forms at iba pang gagamiting materyales.

Binigyang diin din ng Comelec official na kanilang ipagpapatuloy ang kanilang preparations sakaling walang batas na malagdan upang maipagpatuloy pa rin ang pagsasagawa ng barangay at SK elections.