LEGAZPI CITY – Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na malabo ng magkaroon pa ng extension ang voters registration na nakatakda ng magtapos sa Setyembre 30.
Sa kabila ito ng mga panawagan ng Kamara at Senado na palawigin ang registration hanggang Oktubre 31 upang mabigyan nang pagkakataon na makapagpatala iyong mga apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Maria Aurea Bo-Bubao, Provincial Election Supervisor ng Comelec-Albay, aminado itong pahirapan na sakaling pagbigyan ang hiling na extension lalo pa’t sa susunod na buwan na ang filing ng certificate of candidacy.
Dahil dito panawagan ng opisyal sa mga hindi pa rin nakakapagparehistro at sa mga natanggal na sa official list na samantalahin na ang natitirang 10 araw upang makasama sa voters registration.
Samantala, inaasahan naman na mas magiging mahigpit ang filing ng certificate of candidacy kung saan limitado na lang sa dalawa ang kasama ng kandidato habang dapat na may suot na surgical mask upang mapigilan ang pagkalat ng COVID 19.