-- Advertisements --

Pinadalhan na ng Commission on Elections (COMELEC) ng show cause order si Senator Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y pagtanggap niya ng Php 30M na campaign contribution mula sa kontratistang si Lawrence Lubiano noong 2022 elections.

Kinumpirma ito mismo ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia at aniya binigyan ng 10 araw ang senador upang magsumite ng paliwanag. Inaasahan din na dadalo si Escudero o ang kanyang abogado o kahit kinatawan sa pagdinig na itinakda sa Oktubre 13.

Matatandaang una nang umamin si Escudero na kaibigan at campaign donor niya si Lubiano, na nakakuha ng ilang flood control projects ng pamahalaan. Gayunpaman, giit ng senador, wala siyang kaugnayan sa kompanya ni Lubiano at “paninira” lamang ang pagbibigay ng malisya sa kanilang koneksyon.