BOMBO DAGUPAN -Tuloy tuloy pa rin ang paghahanda ng COMELEC Pangasinan para sa 2022 barangay at Sangguniang Kabataang elections kahit na pormal nang niratipikahan ng dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na nagpapaliban sa halalan para ilipat sa October 2023.
Ayon Atty. Marino Salas, provincial election officer sa lalawigan, sinusunod pa rin nila ang umiiral na batas habang wala pa aniyang pirma si pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paliwanag niya na may sinusunod silang guidelines at timeline para sa paglilinis ng listahan hindi lang sa mga regular kundi sa hanay ng Sangguniang Kabataan voters.
Giit ni Salas na ang mga data base ay magagamit pa rin para sa future reference.
Sa ngayon ay hindi pa sila nakapag imprinta ng mga balota na gagamitin sa lalawigan dahil may bagong timeline ang comelec para sa pagiimprinta.
Pero sakaling may mga naimprinta nang mga balota ay wala naman aniyang malaking problema dahil magagamit pa.
Kanyang nilinaw na petsa lang ang mababago dahil pareho pa rin ang feature at content o nilalaman ng balota.
Muli namang nagpaalala ito sa mga nagbabalak tumakbo sa local na halalan na filing ng certificate of candidacy ay nailipat sa Oct 22.