-- Advertisements --
image 376

Nilinaw ni Comelec Spokesman Atty. John Rex Laudiangco na may magkakaibang papel ang mga binuo nilang lupon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Inilabas ng poll body ang pahayag para tugunan ang ilang kalituhan ng mga nagpapa-abot ng sumbong ukol sa pagsisimula ng campaign period.
Nabatid na may ilang complaint na napupunta sa ibang komite, bagay na maaaring magpabagal sa proseso upang matugunan ang mga concern.
Giit ni Laudiangco, ang Task Force Anti Epal ay sumbungan para sa mga maagang nangampanya, may malalaking posters at gumagamit ng matinding ingay sa kampanya na nakakapinsala sa ibang mamamayan.
Habang ang Task Force Kontra Bigay naman ang nag-iimbestiga sa mga isyu ng vote buying at vote selling.
Muli namang tiniyak ng opisyal na hindi ilalahad ang pagkakakilanlan ng nagrereklamo at sa halip ay Comelec na mismo ang sisiyasat dito, maghahanap ng dagdag na ebidensya at magsisilbing complainant sa kaso.