Muling nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga kumakandidato partikular na sa mga tumatakbong party-list groups na hintayin muna ang kanilang opisyal na proklamasyon bago magsagawa ng anumang pagdiriwang.
Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang selebrasyon na isinasagawa ng ilang mga kandidato na ngayon pa lang ay makikitaan na ng mataas na bilang ng mga boto.
Sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, na bagama’t naiintindihan ng komisyon ang pananabik ng mga ito sa napipintong resulta ng eleksyon ay nanawagan ito sa lahat na hinatayin muna ang opisyal na magiging aksyon ng poll body at gayundin sa official canvass ng National Board of Canvassers (NBOC).
Samantala, ipinahayag naman ni Laudiangco na ang naturang maagang pagdiriwang ng ilang mga party-list group ay nagpapakita at nagpapatunay lamang ng transparenct ng eleksyong ito lalo na ngayong maaari na rin makita ng publiko ang resulta nito kahit na partial at unofficial pa lamang ang mga ito
Isasagawa ng Comelec ang proklamasyon ng mga nanalo sa pagka-senador sa darating na Mayo 18 bandang alas-4 ng hapon, habang sa Mayo 19 naman gaganapin ang proklamasyon ng mga nanalong party-list sa kaparehong oras.










