-- Advertisements --

Nakakuha ang Commission on Elections (Comelec) ng mga sertipikasyon na magpapatunay sa kredibilidad ng bagong service provider sa 2025 midterm elections na South Korean firm na Miru Systems Company Limited.

Ayon kay Comelec chairman George Garcia, nakapag-secure ang poll body ng sertipikasyon mula sa United Nations at poll commissions ng ibang bansa kung saan nagbigay ang Miru ng kanilang serbisyo para sa idinaos na halalan kabilang na sa Iraq, Congo, Russia at sa sarili nilang bansa na SoKor.

Sinabi ng poll commissions sa nabanggit na mga bansa na naging maayos ang halalan at ang mga nagrereklamo aniya na nagkaroon ng iregularidad ay ang mga natalong kandidato doon.

Sa kabila nito, ayon kay Garcia bukas sila sa mga kritisismo at katanungan subalit ang mahalaga aniya ay nasunod ng Miru ang mga specification ng automated counting machines na itinakda ng Comelec sa terms of reference nito.

Matatandaan, pormal ng lumagda ang Comelec at Miru kahapon sa kontrata para sa pagbili ng bagong automated election system (AES) na gagamitin para sa 2025 national at local elections.