VIGAN CITY – Nagpaliwanag ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa pagpapalabas nila ng listahan ng mga party-list groups na kasama sa May 13 midterm elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na wala na umano silang magagawa sa pagrereklamo ng ilang grupo na hindi naisama sa listahan dahil nagdesisyon na ang poll body.

Giit nito, binigyan nila ng panahon ang ibang grupo na umapela sa hindi nila pagkakasama sa listahan ng mga party-list groups na kalahok sa darating na halalan ngunit hindi pa rin naikonsidera ang kanilang apela kaya pinal ng hindi sila kasali rito.

Aniya, maantala lamang umano ang mga nakasaad sa schedule ng poll body kung patuloy na pagdedebatehan ang isyu ng hindi pagkakasama ng ilang grupo sa pinal na listahan ng mga party-list nominee.

Sa nasabing listahan, aabot sa 134 ang bilang ng mga party-list groups na kabilang sa halalan sa Mayo na isa pang rason kung bakit mahaba ang gagamiting balota ngayong taon.