Nilinaw ng Commission on Election (Comelec) na walang nalabag na batas kahit ang First Division ng komisyon ang nagbasura ng huling disqualification case laban kay dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay sa kabila ng sa Second Division ito unang nai-raffle ang nasabing petisyon na inihain ng grupong Pudno Nga Ilokano (Ang Totoong Ilokano) dahil sa tax evasion conviction.
Ayon kay Comelec Comm. George Garcia, patakaran na ng komisyon na dalhin ng sinumang commissioner ang mga petisyon o kasong hinawakan nito, oras na ilipat siya ng dibisyon.
Aniya, ito ay para mas mapabilis ang desisyon dahil hindi na maililipat pa ang petisyon sa ibang commissioner na hindi pamilyar sa impormasyon nito.
Nauna nang ibinasura ng Comelec First Division ang huling disqualification case ni Marcos dahil sa “lack of merit.”
Ang nasabing ruling ay pirmado nina Comelec Commissioners Socorro Inting, Aimee Ferolino at Aimee Torrefranca-Neri.
Noong Pebrero, ibinasura rin ng poll body ang tatlong consolidated petitions laban kay Marcos na inihain ng ilang Martial Law survivors.
Bukod dito ibinasura din ng Comelec Second Division ang petisyon na nagpapakansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.
Bukas naman daw ang poll body na iakyat sa mataas na korte ng petitioners ang usapin kung ibig nilang gamitin ang lahat ng legal options.