Halos sampung milyong Pilipino na ang natukoy na naapektuhan sa magkakasunod na kalamidad na nangyari sa Pilipinas, batay sa datus ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon sa ahensiya, mahigit 9.96 million Filipinos na ang apektado sa mga serye ng kalamidad, mula noong unang nanalasa ang bagyong Luis na sinundan ng Maymay, Neneng, Obet, at Pilandok, habang pinapalakas ng hanging habagat.
Kabuuang 6,746 barangay ang natukoy na apektado mula sa 11 rehiyon sa buong bansa.
Malaking porsyento ng mga apektadong pamilya ay mula sa National Capital Region, Central Luzon, at Ilocos Region.
Umabot na rin sa 3,688 na bahay ang nasira sa magkakasunod na kalamidad kung saan 557 dito ay pawang totaly damaged o nawasak.
Ayon sa DSWD, nakapaghatid na ang pamahalaan ng mahigit P1.75 billion na halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya kung saan mahigit 20,600 ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.















