Matapos ang pagsita na ginawa ng Commission on Audit sa Commission on Elections ukol sa mga cash advances noong nakalipas na halalan, nagbabala ang liderato ng poll body sa mga sarili nitong empleyado na kakasuhan kung mabibigo silang mag-liquidate sa natitirang cash advance.
Maalalang sinabi ng COA na umabot sa mahigit P2Billion ang umano’y cash advance na hindi pa na-liquidate ng COMELEC mula sa nakalipas na 2022 presidential elections.
Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng COMELEC, nasa P700 million na lamang ang hindi pa naaayos ang mga dokumento upang tuluyan nang maayos na ma-liquidate.
Inatasan na aniya nila ang kanilang mga empleyado na madaliin at tapusin na ang liquidation.
KUng mabibigo aniyang ma-liquidate ang natitirang cash advance ay hindi umano magdadalawang isip ang komisyon na kasuhan ang mga mga sarili nitong empleyado.
Mismong ang COMELEC din aniya ang magsasampa ng kaso.
Samantala, Nagpaliwanag naman si Laudiangco ukol sa mga nasabing cash advance.
Aniya, kinailangan nila ang mga ito noong nakalipas na taon upang ipampasahod sa mga guro na nagsilbi bilang mga election board of canvasses, kasama na ang bayad sa venue ng training, at iba pa.