Handa umano ang Commission on Elections (Comelec) kahit umabot pa sa manual ang bilangan sa resulta ng halalan sa Mayo 9.
Kasabay na rin ito ng inaasahang pagbibigay ng kanilang law department ng report kaugnay ng umano’y data breach sa panig ng Smartmatic, ang provider ng elections software sa May 9 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Comelec Commissioner George Garcia, sinabi nitong walang dapat ikabahala ang mga botante sakaling magkaroon ng aberya sa panig ng provider na Smartmatic dahil marami naman silang option o plano.
Kasabay nito, tiniyak ni Garcia na walang data breach na naganap sa panig ng komisyon.
Una rito, sinabi ni Garcia na hinihintay na rin nila ang report ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng naturang isyu.
Sa mga isinagawang hearing ng Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) on the Automated Election System (AES), ibinunyag ni Senator Imee Marcos, na siyang chairperson ng komite na nagkaroon ng security breach sa bahagi ng service provider.
Kasunod na rin ito ng pagkuha ng isang contractual workers sa official laptop at ini-leak ang nilalaman nito.