-- Advertisements --
image 578

Inihayag ng Commission on Elections na magsasagawa ng special poll sa December 9 para sa ikatlong legislative district ng Negros Oriental Province.

Sa isang pahayag, sinabi ng Comelec na pupunan ng special poll ang bakanteng posisyon sa House of Representatives (HOR) na nilikha sa bisa ng pagpapatalsik kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves.

Kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin M. Garcia na opisyal nang natanggap ng poll body ang Certification of Permanent Vacancy at ang Resolution Calling for a Special Election mula sa House of Representatives.

Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10945, may tatlong araw ang mga aspirante para maghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para sa Member, House of Representatives sa 3rd District, Negros Oriental, mula November 6 hanggang 8.

Pagkatapos ng paghahain, magsisimula ang election period mula Nob. 9 hanggang Disyembre 24, 2023. Kasabay nito, ipapatupad din ang gun ban.

Ang panahon ng kampanya ay mula Nob. 9 hanggang Disyembre 7. Ngunit simula Disyembre 8, 2023, o sa bisperas ng araw ng halalan, hanggang Disyembre 9, Araw ng Halalan, ipagbabawal ang pangangampanya.

May bisa rin ang liquor Ban mula Disyembre 8 hanggang 9.

Ang oras naman ng pagboto sa Disyembre 9 ay mula 7 a.m. hanggang 3 p.m. Sa close voting naman, ang pagbibilang at canvassing ng mga boto at ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato ay agad na isusunod.

Samantala ang huling araw naman para mag-file ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa Enero 8, 2024.

Ang ikatlong distrito ng Negros Oriental ay may kabuuang 301,264 na botante. Ani Garcia, P75 milyon ang inilaan para sa naturang special poll.